Sunday, November 8, 2015

Si Merly - Part II

Part 2



Lulan kami ng taxi papunta sa may U.N. Avenue na kung saan daw nakatira si Tia Cedeng na pinsan ni Inay. Sinundo niya ako sa barko, kasama ng boyfriend niyang si Alberto. "Merly," ang sabi ni Tia, "siya si Kuya Bert mo. Doon tayong dalawa sa apartment niya titira. Meron namang isang kuwartong bakante, tamang-tama para sa iyo."

Panay naman ang ngiti ni Kuya Bert, tanda ng kanyang pagsang-ayon. "Totoo yon," ang sabi niya, "hindi na malulungkot si Tia mo dahil meron na rin siyang kamag-anak na kasama sa bahay mula ngayon." Nang abutin niya sa akin yung maliit na bag na dala ko pagbaba ko sa barko kanina, nakita kong nakatingin siya ng mabuti sa aking dibdib. Akala ko tuloy ay hindi ko naisara ng maayos ang aking blusa pero hindi naman. Pahiya kong itinakip ang isang kamay ko sa aking dibdib na siguro'y napansin niya. Iniba niya ang kanyang tingin.

Dumating kami sa UN Avenue at maya-maya, pinapara ni Tia ang taxi. Umakyat kami sa isang gusali na puro apartment. Nasa second floor ang apartment ni Kuya Bert. Simple lang, pagpasok sa pinto, merong dalawang sofa na nakatalikod sa bintana. Sa harap nito ay may isang TV. May isang mesang kainan malapit sa kusina, may apat na silyang nakapaligid dito. Meron silang refrigerator, maliit na stereo radio. Pagdungaw ko sa bintana, tanaw ko ang kalsada, ang mga sasakyang dumadaaan at mga taong naglalakad sa kalye. Sa di kalayuan ay kita ang ilang matataas na gusali. "Yung isang magandang building na yon ay ang Holiday Hotel. Madalas ako diyan gawa ng trabaho ko. Hayaan mo't ipapasyal kita doon," ang wika ni Tia Cedeng. "Halika't ipapakita ko sa yo ang kuwarto mo. Pasensiya ka na't medyo maliit pero tama sa iyo yun."

Naku, hiyang-hiya ako't pinaghandaan ni Tia ang pagdating ko. "Huwag kang mag-alala, pagmamagandang loob lahat ni Kuya Bert mo yan," ang sabi niya. Sabi niya'y magpahinga muna ako't mukha daw hindi ako nakatulog ng mabuti sa barko. Pupunta daw siya sa grocery para mamili ng lulutuin para tanghalian. Si Kuya Bert naman ay naiwan dahil sa hapon pa ang kanyang pasok. Gusto rin daw niyang magpahinga muna bago siya pumasok. Bellboy siya sa isa pa ring hotel na di kalayuan sa apartment.

Ilang minuto pagkaalis ni Tia Cedeng, tumapat sa kuwarto ko si Kuya Bert at nagtanong kung gusto ko raw magkape. " Sige po, Kuya," ang pahiyang sabi ko. "Gusto nyo ako na po ang magtitimpla?" Sabi naman niya'y siya na lang dahil mahilig daw siyang magkape, laging meron siyang nakahandang mainit na tubig. Tinawag niya ako sa mesa sa kusina nang matapos siyang magtimpla.

"Napansin kong meron kang pagkamahiyain," ang sabi niya. "Dapat yan ang una mong tanggalin. Dito sa Maynila, kailangan listo ka at di nahihiya. Ipakita mong marunong ka, matalino, alam mo'ng gawin ang maraming bagay. Huwag kang patay-patay." Marami pa siyang kuwento sa akin at pinakinggan ko naman ng mabuti. Nalaman kong si Tia Cedeng ay pumapasok din ng alas tres ng hapon hanggang alas onse ng gabi. Pareho ang oras ng trabaho nila ni Kuya Bert. Pero ayaw sabihin ni Kuya kung ano ang trabaho ni Tia. "Hayaan mong siya ang magsabi sa iyo," ang wika niya, "mas maganda yun para siguradong tama ang mga maririnig mo. Dahil kung ako ang magsasabi, baka magkamali pa, mahirap na."

Sa tunog ng kanyang pananalita, humanga ako ng lihim kay Kuya Bert. Mga pitong taon ang tanda niya sa akin. Lagi daw maraming pera ito galing sa tip ng mga turistang tumitira sa hotel na trabaho niya. Medyo may kamahalan ang upa nila sa apartment na sagot ni Kuya. Tumutulong lang si Tia sa pagbili ng ilang bagay tulad ng pagkain, pero halos karamihan ng gastos, si Kuya Bert ang umaako. Kaya pala nakakapagpadala si Tia sa mga kamag-anakan niya sa probinsiya. Halos kanya ring lahat ang kita niya. Limang araw na mula nang dumating ako. Nagtanong ako kay Tia kung meron siyang alam na trabaho. Maghintay lang daw at baka kumuha ng mga dagdag na tao sa pinapasukan niya. Pansamantala, lagi akong naiiwan sa bahay. Nanonood ng TV, nagsusulat kay Inay, naglalaba ng mga damit, at gumagawa ng kung ano pang gawaing bahay. Tuwing uuwi si Kuya Bert, lagi siyang may dalang maliliit na pasalubong para kay Tia Cedeng. At magmula nang dumating ako, meron na rin siyang dalang dagdag para sa akin. Sinisiguro niyang siya ang nag-aabot sa akin, at palihim siyang kikindat pagkabigay nito. Di ko iyon binibigyan pansin dahil madalas naman siyang nagbibiro.

 Ugali lang siguro niyang talaga.

No comments:

Post a Comment